Pagpapataw ng dagdag singil sa Philhealth contribution, ipinaparekonsidera sa Gobyerno
Umaapila si Senador Christopher Bong Go sa mga kapwa mambabatas na ipatigil ang implementasyon sa dagdag kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ngayong taon.
Ayon sa Senador, sang-ayon naman ang Pangulo sa kaniyang mungkahi n aipagpaliban ito habang hindi pa narerekober ang mga employer at mga manggagawa dahil sa epekto ng Pandemya.
Pero kailangan aniyang magpasa muna ng batas para dito.
Nakasaad sa Universal Healthcare Law na magiging 350 piso na ang minimum na contribution ng Philhealth ngayong Enero mula sa dating 300 piso.
Iginiit ng Senador na nagbigay naman ng assurance ang Department of Budget and Management (DBM) na kaya nitong mag-augment ang pondo para hindi maapektuhan ang operasyon ng Philhealth sakaling i-defer ang paniningil ng dagdag na kontribusyon.
Isa sa nakikitang opsyon ni Go ang pag-amyenda sa probisyon ng UHC Law para pigilan ang increase.
Dapat aniyang gawin ng Gobyerno ang mga paraan para tulungan ang mga Pinoy na makabangon at huwag munang magpataw ng dagdag na bayarin.
Pabor si Senate President Vicente Sotto III sa panukala.
Handa aniya ang Senado na pabilisin ang anumang amyenda kung sesertipikahan itong urgent ng Pangulo.
Meanne Corvera