Pagpapatayo ng Service Centers para sa makinarya at kagamitan sa pagsasaka at pangingisda, pinasimulan na ng DA-BAFE
Pinasimulan na ng Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering o DA-BAFE ang pagpapatayo ng mga agricultural and fishery machinery equipment service centers o AFMESCs.
Layunin nito na makapagbigay ng serbisyo sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaga na magiging benepisaryo sa mga makinarya at kagamitan na ipinagkakaloob ng department of agriculture at iba pang ahensya.
Ayon kay DA-BAFE Director Engr. Ariodear Rico, nilagdaan ni Agriculture Secretary William Dar ang administrative order number 15 -series of 2020 para bigyan ng kaukulang suporta ang pagtataguyod, operasyon, at pamamahala sa mga agri-fishery machinery and equipment service centers.
Ang mga AFMESCs ay itatayo sa mga sakahan at pangisdaan sa pamamalakad ng mga kooperatiba ng magsasaka, mga rehistradong negosyo, suppliers ng agri-fishery machinery and equipment, lokal na pamahalaan, mga kolehiyo at unibersidad na may kurso sa agri-fisheries, at mga ahensya ng pamahalaang nagsasagawa ng research, development and extension.
Binigyang diin ni Director Rico ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman ng lahat sa pamamagitan ng isang malawakang information dissemination campaign kaugnay sa afmesc.
Palalakasin ng AFMESC ang rice processing centers, corn program village type dryers, solar powered irrigation systems sa mga clustered farms upang magkaroon ng mas masaganang ani at mataas na kita ang mga magsasaka.
Sabi ni Engr. Denver Camiana ng programs and projects management division ng BAFE, ang pilot AFMESC ay makapagbibigay na apat na serbisyo gaya ng custom servicing, repair and troubleshooting, pagbibigay ng pagsasanay, at after-sales service.
Susuportahan nito ang iba’t ibang gawain sa pagsasaka ng palay gaya ng paghahanda sa lupa, pagtatanim, irigasyon at paglalagay ng abono, pagpuksa sa mga damo at peste, at sa pag-ani.
Belle Surara