Pagpapatibay sa budget ng CHR, ipinagpaliban
Ipinagpaliban ng Senado ang pagpapatibay sa panukalang budget ng Commission on Human Rights para sa susunod na taon.
Nadismaya ang mga Senador sa posisyon ng ilang opisyal ng CHR na nagsusulong na i-decriminalized ang abortion .
Sa pagdinig ng Senado para sa hinihinging pondo ng ahensya, humingi ng paglilinaw si Senador Alan Peter Cayetano sa posisyon ni Atty. Jacqueline Ann de Guia , ang Executive director ng CHR kung ang posisyon nito sa abortion ay kumakatawan sa CHR.
Sa pamamagitan ni Senador Jinggoy Estrada na sponsor ng budget ng CHR, sinabi ni de Guia na hindi niya sinusuportahan ang abortion sa halip gagawin ito kung malalagay sa panganib ang buhay ng isang ina.
Pero paalala ni Cayetano , batay sa Article 2 Section 12 ng 1987 Constitution pinapahalagahan ang sanctity ng buhay at pamilya bilang basic social institution.
Paliwanag naman ng CHR patuloy pang pinag-aaralan ang isyu at wala pa silang posisyon hinggil dito.
Dahil dito mismong ang sponsor na si Estrada ang naghain ng mosyon para isantabi muna ang budget ng CHR.
Pero sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ,kailangang malaman ang paninindigan ng CHR sa isyu para malaman kung susuportahan nila o hindi ang budget ng komisyon.
Meanne Corvera