Pagpapatibay sa Maritime Zones Act isinulong

Napapanahon na para isulong ng Pilipinas ang pagpapatibay sa panukalang Maritime Zones Act.

Bunsod ito ng panibagong agresibong hakbang ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na magre-re-supply sa tropa ng bansa na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa report ng PCG, hinarang at nagsagawa ng dangerous maneuver ang China Coast Guard Vessel at nambomba ng water cannon sa bangka ng PCG na maghahatid ng supplies sa naval station.

Akusasyon naman ng China, illegal na pumasok ang barko ng Pilipinas sa kanilang teritoryo na tinatawag nilang Nansha Island.

Sinabi ni Maritime Law expert at University of the Philippines professor Jay Batongbacal sa pamamagitan ng panukala mas magiging klaro ang lawak ng teritoryo ng Pilipinas.

Sa panayam ng programang Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), binigyang-diin ni Batongbacal na malinaw namang walang karapatan ang China sa Ayungin Shoal.

Kaya walang basehan ang kanilang paggigiit na kailangang humingi ng pahintulot ang Pilipinas sa Tsina kung maglalayag sa bahaging ito ng West Philippine Sea.

“Malinaw sila ang aggressor, wala silang karapatan na sabihan tayo ano ang dapat nating gawin sa sarili nating lugar. Yung Ayungin malinaw, wala silang karapatan dun, pinipilit lang nila.”

“Yung latest statement nila na humingi ng permiso bago pumasok dyan, kalokohan yun, hindi tayo parte ng Tsina… Ipinapakita nila na gusto nila tayong maging under lang,” pagdidiin pa ng propesor.

Pagdidiin ng eksperto hindi dapat hayaan ng Pilipinas ang China na maitaboy ang tropa ng Pilipinas sa bahagi ng Ayungin Shoal.

Sa ngayon ay naka-istasyon sa lugar ang BRP Sierra Madre na siyang himpilan naman ng marines at navy personnel na siyang pumo-protekta sa interes ng bansa sa teritoryo.

Wala din aniyang masama kung makakatulong ang Estados Unidos at iba pang kaalyadong bansa para protektahan ang interes sa pinagtatalunang teritoryo.

Mas mahirap aniya kasi kung hahayaan ang China na magtagumpay sa kanilang hangad na makontrol ng buo ang napaka-importanteng rehiyon na mahalaga rin sa kalakalan ng maraming bansa.

“Hingin natin kung kailangan, may interes ang US at ibang bansa na manatili tayo dyan. Kung mananalo ang China at mapa-alis tayo sa lahat ng tinatayuan natin, mas mahihirapan sila, unti-unting makukuha ng China, hindi na sila makakapasok. Yung buong sistema ng UNCLOS masisira din, mabubuwag yun, ibig sabihin yung independence sa paglayag ng barko mawawala yun, napakalaki ng stake kaya kailangang depensahan ang West Philippine Sea dahil paraan din yan para ma-depensahan din ang buong mundo,” paliwanag pa ni Batongbacal.

Paalala ni Batongbacal sa gobyerno na huwag matakot at ituloy pa rin ang mga ginagawa nitong aktibidad sa lugar, kabilang ang resupply sa tropa ng pamahalaan sa teritoryo.

Pabor din ang eksperto sa ginagawang pagsasapubliko ng Philippine Coast Guard sa mga intrusions at aggressions ng China sa lugar para makita ng buong mundo ang aniya’y panggigipit ng Tsina.

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *