Pagpapatibay sa panukalang Death Penalty, susubukang ihabol sa nalalabing sesyon ng Senado
Susubukang ihabol ng Senado ang pagpapatibay sa panukalang pagsasabatas ng Death Penalty sa nalalabing sesyon ng 18th Congress.
Ang panukala ay kasama sa top 2 Legislative agenda ng Senado.
Pero hati ang mga Senador sa isyu.
Ayon kay Senador Ronald Dela Rosa, kailangan na ang capital punishment para tuluyang matigil ang operasyon ng illegal drugs sa bansa.
Pero nilinaw nito na ang bitay ay maaaring ipataw lang sa mga kasong may kinalaman sa illegal drug trade.
Para naman kay Senador Panfilo Lacson, dapat pag-aralan munang mabuti ang pagpapataw ng death penalty.
Bagamat isa ito sa proponents ng panukala, nagdadalawang isip siya na isulong ito ngayon dahil sa mga kaso na naparusahan ng bitay pero walang kasalanan tulad ng nangyari sa ibang bansa.
Sa kabila nito, nais niyang mapasama sa dapat mahatulan ng kamatayan ang mga mapapatunayang tiwaling opisyal ng pamahalaan at na-convict na sa kasong pandarambong.
Habang tutol naman si Senador Risa Hontiveros sa panukala dahil labag ito sa itinatakda ng International Human Rights Law.
Sa ngayon 10 panukala ang kasalukuyang nakabinbin sa Komite sa Senado na may kinalaman sa death penalty.
Meanne Corvera