Pagpapatugtog ng videoke, bawal na sa Maynila kahit araw
Bawal na ngayon sa Lungsod ng Maynila ang magpatugtog ng mga karaoke at videoke machine kahit na araw.
Sa ipinasang ordinansa ng konseho ng lungsod na nilagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno, nakasaad na mula 7:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado ay bawal na ang paggamit ng mga karaoke, videoke machines at iba pang sound-producing devices na nakakaistorbo sa kanilang mga kapitbahay.
Ayon kay Mayor Isko, nakatanggap sila ng maraming reklamo mula sa magulang ng mga estudyante na naiistorbo ang online classes ng kanilang anak dahil sa mga kapitbahay na nagkakaraoke.
Nitong Lunes, nagsimula na ang klase sa bansa sa ilalim ng blended learning system.
Wala munang face-to-face class bilang pag iingat dahil hindi pa tapos ang banta ng COVID-19.
Kaya naman ang mga estudyante, nasa bahay lang dahil online ang kanilang klase.
Batay sa ordinansa, ang mahuhuling hindi susunod ay papatawan ng P1,000 multa sa 1st offense, P2,000 sa 2nd offense at P3,000 sa 3rd offense.
Nakasaad pa sa ordinansa na lahat ng opisyal ng Barangay at mga pulis sa lungsod ay inaatasan na ipatupad ito sa lalong madaling panahon.
Madz Moratillo