Pagpapatupad ng 4Ps, rerepasuhin ng Senado
Ipinarerepaso ng mga senador ang pantawid pamilyang pilipino program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, matapos lumitaw sa pagdinig ng senado na 90 percent ng benificaries ng 4ps ang nananatiling mahirap.
Sa ilalim ng naturang poverty reduction program na sinimulan sa panahon ng Arroyo administration, bawat mahihirap na pamilyang Pilipino ay bibigyan ng gobyerno ng limandaang piso kada buwan bilang tulong pinansyal para sa kanilang health at nutrition expenses.
Pero kinuwestyon ni Senador Imee Marcos ang DSWD dahil sa labinlimang taong implementasyon ng programa halos 2 percent lang ang nabawas sa mga pamilyang bahagyang nakaangat mula sa kahirapan.
Katunayan, sa survey ng Philippine Statistic Authority sa unang quarter ng 2021, umaabot sa 26.14 million ang mga Pilipinong nasa below poverty threshold o katumbas ng 23.7 percent ng kabuuang populasyon.
Itinuturing silang mahirap kapag ang kinikita ay hindi sapat para sa kanilang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ayon sa mga senador, katunayan ito na halos hindi naman nabawasan ang kahirapan sa bansa.
Nasunod raw ang isa sa layon ng programa na makapag-aral ang mga bata pero ang resulta ay nasa pinakamahirap na bahagi pa rin sila sa lipunan.
Mungkahi naman ni Senador JV Ejercito, gaya ng ibang conditional grant na ibinibigay sa ibang bansa, dapat may exit strategy rin ang pamahalaan.
Kailangan aniyang unti-unting i-phase out ang programa lalo na sa mga probinsiya o komunidad na may ibang oportunidad para pagkakitaan ng mahihirap na kababayan.
Sabi pa ni Marcos na hindi rin lahat ng nasa below poverty line ay nakakatanggap ng ayuda sa ilalim ng 4ps at mahaba pa ang waiting lists para sa programa.
Kaya mungkahi niya na maghanap ng ibang paraan para tulungang umangat ang mga kababayang mahihirap.
Meanne Corvera