Pagpapatupad ng curfew, ikinukonsidera ng Spain para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng Covid-19
Ikinukonseidera ng gobyerno ng Espanya na magpatupad ng nighttime curfew, upang mapigilan ang pagtaas ng virus infections gaya nang ipinatupad sa iba pang mga bansa sa Europa tulad ng France at Belgium.
Sinabi ni Spanish Health Minister Salvador Illa, na ilang regional governments na hindi na niya pinangalanan, ang nagpanukala ng naturang hakbang at ikinukonsidera ito ng central government.
Aniya, kailangan nilang pag-aralan ang posibilidad ng pagpapatupad ng curfew dahil kakailanganin dito na magpatawag ng isang state of emergency, at nais ng gobyerno na makuha ang suporta ng pangunahing opposition conservative na Popular Party (PP) para ito mapagtibay.
Sa unang bahagi ng kasalukuyang buwan, ay nagpatawag ang central government ng isang state of emergency sa rehiyon para magpatupad ng isang partial lockdown sa Madrid at ilang syudad na tinutulan ng regional government, na mas nais ang neighborhood lockdowns.
Subalit sinabi ng pangunahing health official ng rehiyon na si Enrique Ruiz Escudero, na ini-evaluate ng regional authorities kung kailangan ang curfew bagamat iginiit nito na bahala ang central government kung ipatutupad ito.
Ang state of emergency sa Madrid ay magpapaso na sa Sabado, at ayon kay Escudero ay hindi na ito palalawigin ng central government.
Ang Spain ay isa sa naging pandemic hotspots sa European Union, kung saan malapit na sa 975,000 ang rehistradong kaso at halos 34,000 na ang namatay.
Inanunsyo rin ni Illa, na pinayagan na ng gobyerno ang pagbili ng 31.5 million doses ng isang Covid-19 vaccine, na kasalukuyang dini-develop ng British pharmaceutical giant na AstraZeneca.
© Agence France-Presse