Pagpapatupad ng National ID, kasado na – Malakanyang

Uunahin na bigyan ng Philippine Identification System ay ang mga disadvantageous sector tulad ng Senior Citizen, Person with Disabilities o PWDs at recipient ng conditional cash transfer at unconditional cash transfer.

Ayon kay Philippine Statistics Authority o PSA director-general Dr. Lisa Grace Bersales, sa briefing sa Malakanyang, target nilang makumpleto ang Philippine Identification System sa loob ng 4 taon kung saan ay inaasahan nilang 25 milyong Filipino ang kanilang ma-enroll kada taon na sisimulan sa last quarter ng taong ito na may inisyal na 2 bilyong pisong pondo na nakapaloob sa 2018 national budget.

Idinagdag pa ng PSA chief, binabalangkas na ang Implementing Rules and Regulations o IRR na magiging batayan para sa pagpapatupad ng inaprubahang Philippine Identification System Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Nilinaw din ng PSA na simple lamang ang magiging requirements ng kukuha ng National ID kundi ang birth certificate at sasagutin lamang ang mga basic na katanungan.

Bagamat hindi mandatory ang pagkuha ng PhilSys ID ay kakailanganin naman ito ng isang indibdwal sa transaksyon nito sa gobyerno tulad ng pagkuha ng drivers license, passport, voter’s registration at bank transactions.

Ang bawat ipapanganak na Filipino ay mayroong nakalaang National ID number sa sandaling irehistro ito sa PSA.

 

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *