Pagpapatupad ng national lockdown, inanunsyo ng Malaysia
KUALA LUMPUR, Malaysia (AFP) – Inanunsyo ng Malaysia na magpapatupad ito ng nationwide lockdown, sa unang pagkakataon sa loob ng higit isang taon, habang nakikipaglaban sa mabilis na pagtaas ng coronavirus outbreak na pumipilay na sa healthcare system ng bansa.
Naniniwala ang mga opisyal, na may kinalaman ang mas nakahahawang mga variant sa paglobo ng bilang ng infections, maging ang mga pagtitipon sa Muslim-majority country sa panahon ng Ramadan at Eid al-Fitr holiday sa unang bahagi ng buwang ito.
Ang Malaysia na may 32 milyong populasyon, ay nakapagtala na ng kabuuang 549, 514 cases mula nang mag-umpisa ang pandemya, at 2,552 naman ang nasawi.
Bagama’t moderate lamang sa global standards, ang outbreak ng sakit ay mabilis na tumaas nitong nakalipas na mga linggo, at ang bilang ng mga pasyente sa intensive care units at naka-ventilator ay umabot na sa record high.
Matapos ang bagong daily record na 8,290 infections nitong Biyernes, inanunsyo ng tanggapan ni Prime Minister Muhyiddin Yassin, na ang buong bansa ay isasailalim sa “total lockdown” simula sa Martes.
Batay sa isang pahayag, kinapapalooban ito ng “complete shutdown” ng lahat ng social at economic sectors, kung saan ang papayagan lamang mag-operate ay yaong mga itinuturing na “essentials.”
Ang restriksiyon ay tatagal hanggang June 14.
Nakasaad pa sa pahayag . . . “The existence of new aggressive variants with a higher and faster infection rate has influenced this decision. With the increase in daily cases…capacity in hospitals across the country to treat COVID-19 patients has become more limited.”
Ayon pa sa statement, naglatag ng plano ang gobyerno para sa unti-unting pagluwag sa restriksiyon kapag ang initial lockdown ay makapagpababa sa mga kaso.
Nangako rin ang mga awtoridad na paiigtingin ang vaccination rollout ng bansa, na binabatikos dahil sa umano’y pagiging magulo at mabagal, at ang pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa mga maaapektuhan ng lockdown.
Nagawa ng Malaysia na maiwasan ang matinding outbreak noong isang taon, nang unang lumitaw ang coronavirus sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mahigpit na restriksiyon, kabilang na ang lockdown.
Subalit ang mga kaso ay mabilis na tumaas sa pagsisimula ng 2021, na nagbunsod para unti-unting higpitan ng gobyerno ang mga restriksiyon at magpatupad ng isang state of emergency.
@ Agence France-Presse