Pagpapatupad ng “No Loading and Unloading Zone” ng mga provincial buses sa Edsa, hindi na bagong polisiya – MMDA
Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang isinasagawang dry run ngayong araw ay ang pag-phase out ng mga Provincial bus terminals sa Edsa.
Ibig sabihin, hinihimok nila ang mga Provincial bus operators na may terminal sa Edsa na kung maaari ay gamitin na ang interim terminal sa Valenzuela at Sta.Rosa, Laguna.
Pero dahil ito ay dry-run pa lamang, ito ay optional o voluntary pa lamang sa mga nagnanais nang sumubok.
Magkagayunman, nilinaw ni MMDA Traffic Head Bong Nebrija na “full implementation at full enforcement” na ngayong araw ang ” No Loading” at “Unloading” zone sa Edsa, North at Southbound.
Ibig sabihin, sa mga designated provincial bus terminals lamang papayagang magbaba at magsakay ng mga pasahero.
Kaninang umaga pa lamang ay umabot na sa sampung (10) bus ang kanilang nahuli.
Iginiit ni Nebrija na hindi na ito bagong polisiya at kasama na ang panuntunang ito sa prangkisa ng mga bus terminals.
“Ibig sabihin, bawal nang magbaba ang mga provincial buses ng mga pasahero o kaya ay magsakay. Nakakalat ang mga enforcers natin at isa sa tasking nila ay tugunan at siguraduhin na ang mga buses na ito ay hindi magbaba at magsasakay sa Edsa”. – Bong Nebrija, MMDA Traffic head