Pagpapatupad ng One-Child policy, posibleng mauwi sa abortion – PLCPD
Hindi pabor ang Philippine Legislators Committee on Population and Development (PLCPD) sa “One Child Policy”.
Sa panayam ng Radyo Agila kay Ms. Aurora Quilala, dapat maging maingat ang mga nagsusulong ng population development and reproductive health na kailanman ay hindi dapat magkaroon ng population target gaya nito.
Labag aniya ang one child o kahit ang 2-child policy sa karapatan ng mag-asawa na gumawa ng desisyon sa kung ilan ang kanilang magiging anak at labag din aniya sa Saligang Batas na kumikilala sa karapatan ng isang tao na magdesisyon para sa kaniyang sarili.
Hindi aniya ito sagot o solusyon sa paglobo ng populasyon ng Pilipinas sa mahigit 100 milyon.
Giit ni Quilala, alam naman ng isang taong nakapag-aral kung ano ang magiging epekto sa kaniya ng pagkakaroon ng marami o kakaunting anak kaya hindi dapat diktahan ang isang tao.
Maliban dito, posibleng mauwi lamang sa abortion ang pagpapatupad nito gaya halimbawa ng nangyari sa China kung saan ipinalalaglag na lamang ang mga sanggol dahil hindi na sila maaaring magbuntis pa ng lagpas sa isa dahil wala nang ibibigay na suporta ang pamahalaan.
Ayon pa kay Quilala, family planning pa rin ang pinaka-cost effective na development intervention ng isang bansa.
“Ang sinasabi ng nagpanukala ng Reproductive Health Law ay karapatan ng mag-asawa ang mag-decide whether isa o dalawang anak, tatlo o ilan pa basta ang kailangan nating masiguro ay mayroon silang quality of life. Hindi natin kailangang iutos sa mga tao na maging dalawa o isa lang ang kanilang anak sila ang dapat magdecide para sa ikabubuti ng kanilang pamilya”.- Aurora Quilala, Philippine Legislators Committee on Population and Development (PLCPD)