Pagpapatupad ng Universal health care law , madidiskaril kapag kumalas ang mga pribadong hospital sa PhilHealth – Malakanyang
Kinalampag ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang Philippine Health Insurance o PHILHEALTH sa planong sususpindehin muna ang pag proseso ng claims ng mga ospital dahil sa mga sinasabing pandaraya.
Sinabi ni Roque na ang hakbang na ito ng state health insurance ay posibleng magdulot ng pagkadiskaril ng pagpapatupad ng universal health care law dahil nagpahayag ng kahandaan ang mga pribadong ospital na kakalas sa kasunduan sa PHILHEALTH.
Ayon kay Roque, dapat bayaran ng PHILHEALTH ang mga pagkakautang nito sa mga pribadong ospital lalo na sa pagtugon sa panahon ng pandemya ng COVID 19.Hindi naniniwala si Roque na mauubusan ng pondo ang PHILHEALTH.
Inihayag ni Roque na bagaman may ilang ospital o health facilities ang nasasangkot sa maanomalyang claims ang dapat gawin ay imbestigahan ang mga ito.
Niliwanag ni Roque, hindi kakayanin ng mga pampublikong ospital ang pagbibigay serbisyo sa healthcare ng bansa dahil 70 porsiyento ay mula sa mga pribadong ospital.
Kaugnay nito ay kinuwestyon ni Roque si PHILHEALTH President Atty. Dante Gierran kung bakit hanggang ngayon ay nasa puwesto pa rin ang mga opisyal na una ng nasangkot sa mga anomalya.
Vic Somintac