Pagpasa ng panukalang batas na magbabawal sa e-sabong, ipinanawagan ng kamag-anak ng mga missing sabungero sa Senado at Kamara
Nais ng mga pamilya ng nawawalang sabungero na tuluyan nang magkaroon ng batas para ipagbawal ang e-sabong.
Ayon sa mga kaanak ng mga missing sabungero, dudulog sila sa Kamara at Senado para magpasa ng panukalang batas upang matigil na talaga ang e- sabong.
Sinabi ni Ginang Carmelita Lasco, ina ng isa sa mga nawawalang sabungero, iminungkahi sa kanila ng DOJ na bumuo ng grupo para i-lobby sa mga mambabatas ang total ban sa online sabong.
Aniya, hindi basta mawawala ang e-sabong kaya kailangan ng batas para dito at hindi lang ng executive order ng pangulo.
Para kay Ginang Eloisa Bohol, nanay ng isa rin sa missing sabungero, malaking bagay sa kanila kung ganap nang mawawala ang operasyon ng e-sabong sa bansa.
Ito ay lalo na’t ito ang naging dahilan anila ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.
Tiniyak naman anila sa kanila ng DOJ tutulungan sila para ihirit sa Kongreso ang pagbuo ng nasabing panukala.
Nagpasalamat din ang mga pamilya sa DOJ at sa iba pang mga otoridad dahil inaasikaso talaga ang kaso upang mapanagot ang mga salarin.
Moira Encina