Pagpasok at paglabas sa UP Los Baños campus nilimitahan habang nasa ilalim ng ECQ ang lalawigan
Muling hihigpitan ang pagpasok at paglabas sa UP Los Baños campus sa Laguna habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa probinsya.
Sa abiso mula sa UPLB Office of the Vice Chancellor for Community Affairs, sinabi na limitado lang ang pagpasok sa campus sa mga trabaho sa mga pinapayagang tanggapan at establisyimento, delivery ng mga pagkain at iba pang essentials, at sa mga critical services gaya sa komunikasyon, repair, at maintenance.
Maaari lang ding lumabas ang mga residente sa campus para bumili ng pagkain at iba pang essential services, at kung may emergency.
Kaugnay nito, ipinagbabawal ang pagsasagawa ng mga sports at outdoor exercises at iba pang non-essential activities sa loob ng UPLB ng mga hindi residente.
Mahigpit din na ipatutupad ang pagsusuot ng face mask, face shield, physical distancing, at temperature check bago pumasok sa campus.
Pwedeng payagan ang mga UPLB personnel na kuhanin ang ilang mahalagang dokumento at materials, at magsagawa ng vital campus activities sa limitadong panahon pero kailangan ng sertipikasyon sa mga unit head.
Moira Encina