Pagpasok ng ikatlong Pathologist, malaking tulong para mapakalma ang publiko sa epekto ng Dengvaxia
Nagbabala si Senador JV Ejercito na magkakaroon ng outbreak ng ibat-ibang sakit sa Pilipinas na maaari pa umanong mauwi sa epidemya.
Ito’y dahil sa pagtanggi ng mga magulang na magpabakuna dahil sa pangamba dulot ng Dengvaxia.
Sinabi ni Ejercito na mismong ang Department of Health o DOH ang umamin na bumagsak ang bilang ng mga nais magpabakuna kahit pa sa Polio o measles dahil kontrobersiya ng Dengvaxia.
Naniniwala naman ang senador na welcome development ang desisyon ng DOH na kumuha ng ikatlong pathologists na magsusuri sa bangkay ng mga batang iniuugnay ang pagkamatay sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Ejercito, sa pamamagitan kasi nito mawawala ang pagdududa na maaring pinagtatakpan lang ng gobyerno o ng sinumang eksperto ang kumpanyang Sanofi.
Nagkakaroon aniya ng kalituhan na lalo lang nagpapalala sa panic ng publiko kung paniniwalaan ang pahayag ng Public Attorney’s Office na kwestyonable ang kredebilidad ng DOH at UP-PGH habang ayon sa DOH hindi raw kwalipikado ang PAO na magsagawa ng forensic investigations.
Senador JV:
“That’s a good suggestion para mawala yung doubts kasi sinasabi ng PAO at ng VACC (Volunteers Against Crime and Corruption) ang DOH at UP-PGH ay tainted. Pero ganun din ang kabila na ang sinasabi ang PAO naman hindi sila qualified to perform forensic works”.
Ulat ni Meanne Corvera
=== end ===