Pagpapatibay sa Bill para sa pagpapatayo ng evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pinamamadali sa Kamara
Pinamamadali na ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa Kamara ang pagpapasa sa panukalang batas kaugnay sa pagpapatayo ng mga evacuation center sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasunod ito ng 6.5 magnitude na lindol na tumama sa Leyte noong nakaraang Linggo.
Sa ilalim ng House Bill 1763 o Evacuation Centers bill ni Zarate layon nitong makapagpatayo ng mga evacuation center para sa mas ligtas na tutuluyan ng mga biktima ng kalamidad.
Ang mga evacuation center na itatayo ay earthquake o disaster resistant na matibay sa anumang kalamidad at itatayo ito sa mga lugar na ligtas na malayo sa dagat at sa fault line.
Itatayo ang mga ito sa pagitan ng mga barangay upang madaling mapuntahan ng mga tao sakaling may sakunang mangyari o may tumama na kalamidad at magsisilbi din itong command center para sa disaster response.
Layon din ng panukala na itigil na ang paggamit sa mga paaralan at mga multi-purpose hall bilang evacuation centers tuwing may kalamidad na kung minsan ay delikado din ang lokasyon at kulang sa pasilidad.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo