Pagpayag ni Pangulong Duterte na makapangisda sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang mga Tsino, prerogative ng punong ehekutibo ayon sa ilang aplikante sa Korte Suprema
Walang nakikitang mali o iligal ang ilang aplikante sa mababakanteng pwesto sa Korte Suprema sa pagpayag ni Pangulong Duterte na mangisda ang mga Tsino sa exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa public interview ng Judicial and Bar Council, tinanong ni retired SC Justice Noel Tijam ang ilang mga aplikante sa Supreme Court kung ito ba ay labag sa Konstitusyon at valid ground para ma-impeach ang Pangulo.
Ayon kina Court of Appeals Justices Eduardo Peralta Jr. at Mario Lopez, prerogative ng punong ehekutibo para pahintulutan na makapangisda sa EEZ ng bansa ang mga dayuhan.
Sinabi pa ni Lopez na nasa kapangyarihan ng pangulo na pumasok sa mga kasunduan sa ibang bansa at kinikilala ng Saligang Batas ang prerogative ng presidentr sa foreign relations.
Naniniwala pa si Sandiganbayan Justice Alex Quiroz na hindi valid na basehan para patalsikin ang pangulo dahil sa pahayag nito na maaring mangisda ang mga Chinese sa EEZ ng bansa bunsod ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Una nang sinabi ni SC Senior Associate Justice Antonio Carpio na labag sa Saligang Batas kung papayagan na makapangisda sa EEZ ng Pilipinas ang mga Chinese dahil sa mandato ng pamahalaan na protektahan ang marine resources ng bansa at ireserba ito eksklusibo para sa mga Pinoy.
Ulat ni Moira Encina