Pagrepaso sa mga batas laban sa iligal na droga, ipinanukala ni Justice Sec. Menardo Guevarra
Pinanawagan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagrepaso sa mga batas ng bansa ukol sa iligal na droga.
Ito ay sa harap ng mga rebelasyon sa mga tinaguriang Ninja cops o mga pulis na sangkot sa pag-benta muli ng mga nasasabat na iligal droga at sa mga convicts na patuloy pa rin sa illegal drug trading kahit nasa kulungan.
Sinabi ni Guevarra na ang mga Dangerous Drugs Laws ay binuo ilang dekada na ang lumipas kaya hindi na akma sa realidad sa kasalukuyang panahon.
Anya nagagamit ng mga sindikato ng droga at ng mga tiwaling alagad ng batas ang mga kahinaan ng mga illegal drugs laws para maipagpatuloy ang produksyon at distribusyon ng iligal na droga.
Inihalimbawa pa ni Guevarra ang mga Ninja cops para tuluyang amyendahan ang mga butas sa batas kahit pa gaano kaliit ang mga ito.
Isinulong din ng kalihim ang pagrebyu sa mga sobrang higpit na panuntunan sa paghawak ng mga ebidensya sa drug cases gaya ng Chain of Custody rule na nagreresulta sa pagkabasura sa mga kaso dahil sa teknikalidad.
Naabuso anya ng mga totoong guilty ang mga istriktong proseso sa paghandle ng drug cases para takasan ang mga parusa ng batas.
Ayon sa kalihim, ang pagbusisi sa mga Dangerous Drugs laws ay ang unang hakbang para bigyan ito ng dagdag ngipin at epektibong masawata ang problema ng iligal na droga.
Ulat ni Moira Encina