Pagresponde ng mga pulis sa isang tawag, nauwi sa engkuwentro
Nauwi sa engkuwentro ang pagresponde ng San Pablo City, Laguna PNP SWAT Team at Drug Enforcement Unit, sa isang lalaking walang habas na nagpapaputok ng baril at nagbanta pang magpapasabog ng granada, na labis na ikinatakot ng kaniyang mga kapitbahay.
Isang concerned citizen ang nagkalakas ng loob na tumawag sa pulisya upang humingi ng tulong.
Sa inisyal na ulat ng San Pablo City PNP, agad silang rumesponde sa natanggap na tawag, subalit sa halip na tumigil ang suspek nang dumating ang mga awtoridad, ay pinaputukan nito ang mga pulis.
Dahil dito ay napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek na nakilalang si Ramil Marajas Magapi, 48-anyos, isang construction worker at residente ng Riverside, Brgy. San Jose, San Pablo City, Laguna.
Samantala, natagpuan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng engkuwentro, ang duguang bangkay ng suspek, isang kalibre 45 baril, granada, isang kalibre 22 na baril, at mga basyo ng bala.
Sinasabing siga-siga sa kanilang lugar si Magapi at kinatatakutan ng kaniyang mga kapitbahay.
Ulat ni Efren Lopez