Pasabog ni Senador Pacquiao sa umano’y korapsyon sa Duterte administration, “watusi” lang, hindi bomba – Malakanyang
Minaliit lamang ng Malakanyang ang pasabog ni Senador Manny Pacquiao na umano’y mga korapsiyong nagaganap sa ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Duterte administration.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi maituturing na bomba kundi watusi lamang ang paratang ni Pacquiao.
Ayon kay Roque walang kuwenta ang paratang ni Pacquiao kung puro akusasyon at walang ipinapakitang ebidensiya.
Inihayag ni Roque dapat ayusin ni Pacquiao ang kaniyang trabaho lalo na ang may kinalaman sa pagpaparatang ng katiwalian sa pamahalaan.
Isiniwalat ni Pacquiao na mayroon umanong mahigit 10 bilyong pisong unaccounted sa pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapaloob sa Special Amelioration Program na ibinigay na ayuda sa mga mahihirap sa gitna ng Pandemya.
Maliban sa DSWD, inaakusahan rin ni Paquiao na mayroon din umanong anomalya sa Department of Health at Department of Energy at maging sa Department of Environment and Natural Resources.
Binigyang-diin ni Roque na kung hindi kayang patunayan ni Pacquiao ang kanyang mga akusasyon ay lumilitaw na namumulitika lamang ito dahil sa kaniyang ambisyon na tumakbo sa paka-Pangulo sa halalan sa 2022.
Vic Somintac