Pagsabog sa Jolo, Sulu, isa sa mga tinukoy na rason ng AFP para palawigin muli ang martial law sa Mindanao
Ginamit na rason ng AFP ang kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu para palawigin ang batas militar sa Mindanao.
Sa unang araw ng oral arguments sa martial law extension, unang sumalang si AFP Deputy Chief of Staff for Intelligence Major General Pablo Lorenzo para ipaliwanag ang batayan kung bakit kailangan ang martial law extension.
Sa kanyang powerpoint presentation, nanindigan si Lorenzo na nanatili pa rin ang rebelyon sa Mindanao kahit tapos na ang Marawi siege.
Sinabi pa ni Lorenzo ang apat na teroristang grupo na aktibo sa Mindanao na ang mga ito ay ang Abu Sayyaf, Daulah Islamiyah, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Maute group.
Binanggit din ng opisyal ang nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu kamakailan na patunay na nasa peligro pa rin ang mga residente sa rehiyon.
Tinukoy pa ni Lorenzo ang ilan pang kidnap victims na hawak pa rin ng mga terorista at mga recruitment at training activities na isinagawa ng Daulah Islamiyah sa Mindanao.
Bukod dito ay mayroon din anyang aktibong miyembro ng mga foreign terrorist fighters na sumusuporta sa mga lokal na terorista sa Mindanao.
Kung hindi anya masawata ang mga ito ay posibleng mas lumawak ang rebelyon sa Mindanao.
Dahil dito, hiniling ng AFP sa Korte Suprema na paboran ang muling extension ng martial law sa Mindanao.
Ulat ni Moira Encina
pic ctto sc pio