Pagsadsad ng satisfaction rating ni Pangulong Duterte, di dapat ipagwalang-bahala – Prof. Contreras
Maraming factor ang naging dahilan ng pagbaba ng satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Para kay Political Analyst Professor Antonio Contreras, sakop ng nasabing survey ang petsang June 27 to 30 kung saan nagkaroon siya ng alitan sa Simbahang katoliko at sa nasabing mga petsa rin naging mainit ang isyu sa pagtaas ng mga bilihin dahil sa TRAIN Law.
Pero paliwanag ni Contreras, normal na nangyayari ito sa kahit sinumang lider ng bansa at hindi naman ibig sabihin na kung bumaba man ang rating ngayon ay hindi na makakabawi ang Pangulo lalu’t 5 to 6 percent lamang ang ibinaba ng kaniyang rating.
“Hindi naman natin pwedeng sabihin na tuluy-tuloy yan, depende naman yan sa Pangulo kung anong gagawin niya, anu-ano ang kaniyang mga sasabihin kung magpapatuloy siya sa pagbaba o makakabawi siya”.
Magkagayunman, para kay Contreras, dapat magsilbi aniyang wake-up call din ito sa Pangulo na iwasan ang mag-komento lalu na’t tungkol sa relihiyon at tiyakin din ng Pangulo na mapalitan ng magagandang balita ang tungkol sa pagtaas ng inflation rate.
“Kahit ang Presidente personally walang pakielam sa mga ratings, nakasalalay naman doon yung performance, legitimacy at credibility ng kaniyang buong pamamahala. Dapat gumawa ang Pangulo ng mga bagay-bagay na hindi naman na kailangan pang sabihin na sinasabi pa niya ay nakaladagdag lang iritasyon sa mga tao”.
==============