Pagsakay ni Pangulong Duterte sa Jetski sa West Philippine Sea bahagi ng campaign joke
Matapos ang humigit kumulang limang taon isang biro lang pala at bahagi ng campaign bravado ang pahayag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasakay siya sa Jetski sa West Philippine Sea at itatanim ang watawat ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang isla.
Sinabi ng Pangulo na binalak niya talagang sumakay sa Jetski papunta sa West Philippine Sea subalit hindi magawa dahil sa ilang kadahilanan.
Ayon sa Pangulo, walang piyesa na maipalit sa segunda manong Jetski na kanyang nabili, walang gasolinahan sa gitna ng dagat kung maubusan siya ng gasolina, dambuhala ang mga alon at masyadong malayo ang pinakamalapit na islang teritoryo ng bansa mula sa Palawan.
Inihayag ng Pangulo sineryoso ng mga nakarinig sa kanyang biro kasama na si Dating Supreme Court Justice Antonio Carpio noong panahon ng kampanya hinggil sa pagsakay niya Jetski para igiit ang soberinya ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Tinawag pa ng Pangulo na walang bait sa sarili ang mga naniwala sa kanyang campaign joke na sasakay sa Jetski.
Magugunitang inihayag ng Pangulo na hindi niya ginawang campaign promise ang pagbawi sa mga teritoryo sa West Philippine Sea na umanoy inagaw ng China sa Pilipinas.
Vic Somintac