Pagsasabatas sa Pambansang Pabahay Program, isinulong sa Senado
Isinusulong ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na maisabatas ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino program o ang housing program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Naghain si Senador Go ng Senate Bill 2108 na layong maresolba ang problema sa bahay ng pamilyang Pilipino.
Target ng programa na makapagpatayo ng anim na milyong housing units sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos.
Una nang nag-isyu ng kautusan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na nagbibigay kapangyarihan sa local government units na gumawa ng housing projects para malunasan ang housing gaps sa ilalim ng programa.
Sa panukala, babalangkas ng komprehensibong housing plan para mabigyan ng abot-kaya at disenteng pabahay ang mga nangangailangan.
Magkakaroon rin ng mekanismo para sa subsidized amortization at interes sa mga benepisyaryo.
Batay kasi aniya sa datos ng National Housing Authority at National Economic Development Authority(NEDA) hanggang noong 2017, mahigit 1.5 milyong pamilya ang maituturing na informal settlers.
Nasa halos kalahating milyong informal settler families na nasa National Capital Region (NCR) ang nasa poor conditions, kabilang ang mga naninirahan sa high-risk areas.
Meanne Corvera