Pagsasagawa ng Olympics 2021 sa Japan, tinutulan ng mas nakararami
TOKYO, Japan (AFP) – Majority ng mga mamamayan ng Japan, ang tutol na ituloy sa susunod na taon ang naudlot na Tokyo 2020 Olympics, kung saan mas pabor sila na palawigin pa ang postponement nito o kaya naman ay tuluyan nang kanselahin.
Lumitaw sa bagong data na nagbago na ang sentimyento ng mga Japanese, kung saan lumitaw sa mga survey sa Japan na minority o kakaunti lamang ang sumusuporta sa pagsasagawa ng Olympics sa susunod na taon, sa kabila nang nalalapit na pagdating ng mga bagong bakuna.
Sa isang survey na inilabas ng national broadcaster na NHK, lumitaw na 27 percent lamang ng respondents ang sumusuporta sa pagsasagawa ng Olympics sa 2021, habang 32 percent ang sumusuporta sa kanselasyon nito at 31 percent naman ang pabor na palawigin pa ang postponement nito.
Ang nalalabi pang respondents ay nagsabing hindi sila sigurado, o di kaya naman ay walang ibinigay na sagot.
Nagpasya ang Olympic organisers at Japanese officials, na hindi na dapat pang ma-delay ang Olympics na kauna-unahang pangyayari sa kasaysayan na naantala sa panahon ng “peacetime.”
Iginiit ng mga ito na ang Tokyo 2020, ay maaari pa ring isagawa kahit hindi pa kontrolado ang pandemya pagdating ng opening date nito sa July 23, 2021.
Subalit lumilitaw na hindi kumbinsido rito ang Japanese public.
Isa pang survey na inilathala naman ng Jiji press agency nitong Lunes, ay halos may katulad ding resulta kung saan 21 percent ang pabor sa kanselasyon at halos 30 percent ang pabor na muli itong i-postpone.
Noon namang December 6 ay inilathala ng isang Kyodo news agency ang survey, kung saan lumitaw na kabuuang 61.2 percent ang tutol na ganapin ang Olympics sa 2021.
Ang pagsisimula ng vaccination campaigns sa ilang bahagi ng mundo ay nagpalakas sa kumpiyansa ng organisers, na pwede nang ituloy ang mga laro bagamat ang pagbabakuna ay hindi gagawing mandatory para sa mga manlalaro o mga manonood.
Subalit kahit nasimulan na rin ang pagpapalabas ng mga bakuna, tumataas pa rin ang kaso ng infection sa maraming lugar kabilang na ang Japan.
Ang pagkaantala ng mga laro at pagbuo ng coronavirus countermeasures, ay naging logistical nightmare para sa organisers, at katumbas ng malaking halaga.
Ang delay at health measures ay katumbas ng $2.4 billion dagdag na gastos sa kasalukuyang $13 billion budget para sa Olympic Games.
Nakatakdang maglabas ng updated na budget ang organisers ngayong buwan, subalit ang halaga ay maaaring mainit na pagtalunan, kung saan sa isang audit report noong 2019 ay lumitaw na ang gobyerno ay tinatayang gumugol na ng halos sampung beses kaysa orihinal na budget sa pagitan ng 2013-2018.
Tinutulan naman ng organisers, na sa estimated costs ay may nakasamang items na walang direktang kinalaman sa Olympic Games.
© Agence France-Presse