Pagsasailalim sa GCQ with Heightened Restrictions sa Pangasinan, hiniling
Hiniling ni Gobernador Amado I. Espino III ang pagsailalim sa General Community Quarantine o GCQ with heightened restrictions ang probinsya ng Pangasinan simula Setyembre 1 hanggang 15.
Sa kaniyang pinadalang sulat sa Inter-Agency Task Force (IATF) Screening and Validation Committee, sinabi ni Gobernador Espino na malaking tulong ang paglalagay sa mas mataas na community quarantine classification at higher risk classification ang buong lalawigan bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Covid 19.
Kalakip sa nasabing sulat ang aprubado na Resolution No. 05-2021 na pinirmahan ng mga miyembro ng Provincial IATF.
Sa kasalukuyan, ang Pangasinan ay nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) hanggang Agosto 31, at kung sakali na maaprubahan ang apela ni Gobernador Espino, ito ang pinakaunang GCQ with heightened restrictions status ng probinsya na nakapagtala na ng kabuuang bilang na 18,526 Covid confirmed cases mula ng mag-umpisa ang Pandemya.
Paniniwala ni Espino na ang pagtala ng tatlong kaso ng Delta variant sa Pangasinan ang siyang dahilan ng community transmission na nagresulta sa hindi inaasahan na pagtaas ng mga bagong Covid cases.
Sa datos ng Provincial Health Office (PHO), nasa 2,429 na ang mga aktibong kaso at nasa 189 pa lamang ang bilang ng new recoveries hanggang August 26.
Ang Dagupan City ay nakapagtala ng 388 na bilang ng new Covid cases sa isang araw mula sa 93 daily cases nito, at ang probinsya naman ay nakapagtala ng 43 na mga bagong namatay dahil sa Covid 19 kung saan 15 dito ang namatay sa loob lamang ng isang araw.
Samantala, sa ipinatawag na virtual meeting ni Gobernador Espino sa mga cities/municipal IATF, hiniling nito ang pagkakaisa at pagtutulungan na iparating sa mga Pangasinenses ang kahalagan ng disiplina na malaking kontribusyon upang mapababa ang Covid cases sa kanilang komunidad.