Pagsasampa ng hiwalay na kaso laban sa UST dahil sa hazing sa kanilang anak, pinag-aaralan ng mga magulang ni Atio Castillo
Hindi pa masabi ng mga magulang ng hazing victim na si Atio Castillo kung isusulong nila ang pagsasampa ng kaso laban sa UST, dahil kailangan pa nila itong mapag-aralan.
Una nang sinabi ng nanay ni Atio na si Ginang Carmina Castillo, na dapat managot din ang unibersidad sa pagkamatay ng anak, dahil malinaw sa mga paglilitis sa kaso na matagal nang umiiral ang hazing sa Aegis Juris.
Kaugnay nito, hinimok ng ginang ang UST na repasuhin ang mga panuntunan at registration nito sa fraternities at iba pang organisasyon, at siguraduhing masunod ang Anti Hazing law.
Ayon kay Ginang Castillo, “Sana nakita yun ng University of Sto. Tomas, the registration, the policies, they should look into that how recognition of fraternities and organizations now para ma-safeguard ang ating mga estudyante, at this point we have to make a strict implementation of the law.”
Nilinaw ng mag-asawang Castillo na hindi sila pabor na ipagbawal ang fraternities o sororities, dahil magbibigay daan naman ito para magsulputan ang mga underground na organisasyon sa mga paaralan.
Sinabi ni Ginoong Horacio Castillo, Jr., “We believe na if they do underground mas ano po ito mas delikado, ang mas gusto po natin proper registration.”
Iminungkahi pa ng tatay ni Atio, na gawing transparent at gawing pambuong bansa ang registration ng lahat ng frat para maiwasan na rin ang hazing, at mas mapadali na mahabol ang mga lumabag.
Aniya, “Importante yan kapag may nangyaring panibagong incident, kapag nakuha po natin nationwide registrtion ng fraternity, mapapanagot po lahat ng salarin because we would have a nationwide database. Makikita ng kapulisan who are the members involved. I belive mapapabilis justice.”
Samantala, sinabi naman ng pinuno ng DOJ prosecution team na umusig sa kaso na si Deputy State Prosecutor Olivia Torrevillas, na malaki ang naitulong ng testimonya ng state witness, mga direct evidence at iba’t ibang ebidensya at mga testimonya ng iba pang mga testigo at eksperto, para makuha nila ang hatol na guilty laban sa 10 miyembro ng Aegis Juris.
Deputy State Prosecutor Olivia Torrevillas / Courtesy: PNP DNA FB
Sinabi ni Torrevillas, “We presented one of the members whick is Mark Ventura as our state witness. He narrated how the hazing incident happened, how the members of Aegis Juris frat conducted the final rite. We presented all corroborative evidence consisting of the paddle used, the spatula, the clothes taken from the victim, the testimonial evidence.”
Moira Encina – Cruz