Pagsasara ng iba pang kalsada sa NBP, kinondena ng Muntinlupa City Council
Mariing kinondena ng Muntinlupa City Council, ang pagsasara ng iba pang kalsada sa New Bilibid Prison o NBP area.
Ngayong araw ay nagpasa ang city council ng Muntinlupa ng isang resolusyon, laban sa pagsasara ng isa pang kalsada sa loob ng NBP Reservation sa Muntinlupa City.
Umapela sila sa kongreso na imbestigahan ang legalidad at bisa ng naturang pagsasara, at iba pang patakaran na direktang nakaaapekto sa kapakanan ng mga residente ng lungsod.
Kahapon ay nasaksihan ng mga residente ang pagtatayo ng apat na talampakang pader sa kalsada, sa tabi ng type B sa quarry area malapit sa main gate ng NBP.
Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni majority floor leader councilor Raul Corro, na lumilitaw na mali ang interpretasyon ng Bureau of Corrections (BUCOR), sa BUCOR act of 2013 o BUCOR Modernization Law bilang batayan para sa pagsasara ng kalsada.
Ayon kay Corro, ang access road ay marami nang dekadang nagsisilbi para sa mga residente ng type B.
Aniya, ang BUCOR ay hindi nakahihigit sa saligang batas at sa DILG code, at maging sa Urban Development and Housing Act, at iba pang mga batas.
Sa ilalim ng lokal na resolusyon, humihingi rin ang pqmahalaang lokal ng tulong kay Muntinlupa Congressman Ruffy Biazon, para sa kaukulang imbestigasyon upang alamin kung ano ang legalidad at bisa ng naturang pagsasara.
Noong Marso ay kinondena na rin ng pamahalaang lokal ang aksiyon ng BUCOR na magtayo ng isang konkretong pader sa kahabaan ng Insular road, na nagsisilbing daanan ng mga residente ng Southville 3 patungong bayan.
Ang Southville 3 ay proyekto ng National Housing Authority (NHA) sa loob ng NBP, na may walong libong pamilya o hindi bababa sa 40-libong residente.
Ang pagsasara nito ay nagdulot ng karagdagang pahirap sa mga residente, laluna sa mga naghahanap-buhay na commuters.
Ulat ni Betheliza Paguntalan