Pagsasauli ng bilyong pisong pondo ng DICT sa National Treasury pinuri ng Kamara
Ikinatuwa ni Northern Samar Congressman Paul Daza ang pasauli sa National Treasury ng 1.2 Billion pesos na pondong inilipat ng Department of Information and Communications Technology o DICT sa Metro Manila Development Authority o MMDA.
Ayon kay Daza, ito ay maituturing na malaking tagumpay para sa mga Pilipinong nagbabayad ng buwis.
Sinabi ni Daza na ang naturang pondo ay nakalaan sana sa National Capital Region o NCR Fiber Optic Backbone Development and Network Resiliency program na layuning magkaloob ng free Wi-Fi at national broadband.
Inihayag ni Daza, noong Nobyembre ng nakaraang taon ay nagsauli din ng 692 million pesos na pondo sa DICT ang Baguio City Government dahil sa hindi naisagawang Digital Transformation Center project.
Umaasa si Daza, na natuto na ng leksyon ang DICT dahil sa mga sablay na proyekto at madaliin na nito ang mga nakabinbing project lalo na ang free Wi-Fi program na pinaglaanan pa ng dagdag na 2.5 billion pesos na pondo sa 2023 national budget.
Vic Somintac