Pagsira sa mga imported na mamahaling sasakyan, personal na sasaksihan ni Pangulong Duterte sa BOC
Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsira sa nasabat ng Bureau of Customs na mga luxury cars na hindi nagbayad ng wastong buwis.
Itinakda ang pagsira ng mga imported cars sa Martes sa Port of Manila.
Sinabi ng Pangulo na kapag ipapasusubasta ang mga ito, ang mga importer lang din ang bibili sa mas murang halaga.
Ayon sa Pangulo, istilo ng mga importer ng magpasok ng mga luxury cars na hindi nagbabayd ng taripa at saka na lang sila lalahok sa subastahan dahil mas nakakatipid sila sa mga bayarin sa pamahalaan.
Inihayag ng Pangulo kung kayang araw-arawin ang pagsira ng mga nasasabat na luxury cars na pumapasok sa mga pantalan sa bansa na hindi nagbabayad ng tamang buwis ay gagawin niya ito.
Panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo pa nagsagawa ng pagsira ng mga mamahaling sasakyan na iligal na ipinapasok sa bansa subalit natigil ito noong panahon ni Dating Pangulong Aquino sa dahilang dagdag kita rin umano ito sa pamahalaan.
Ulat ni Vic Somintac
=== end ===