Pagsisikap at pagtutulungan ng mga mamamayan, susi sa pagkakapili sa Valenzuela City bilang pinakaligtas na lunsod sa buong bansa
Karangalan ng buong Valenzuela City ang pagkakatanghal sa lunsod bilang pinakaligtas na lugar sa buong bansa noong nakalipas na taon at pangalawa naman sa buong Southeast Asia.
Ang survey ay isinagawa ng Numbeo, isang crowd-sourced global database na nagsasagawa ng pagsusuri sa mga consumer prices, crime rates, health care qualities at iba pa ng mga lugar sa buong mundo.
Sa panayam ng programang Eagle in Action kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, ipinaliwanag nito na ang kanilang tagumpay ay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng kaniyang mga nasasakupang residente.
Mas pinaigting aniya nila ang police visibility sa kanilang lunsod sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kailangang kagamitan ng mga pulis upang maipatupad ng maayos ang mga programa sa seguridad at kaligtasan ng mamamayan.
Inilahok din nila ang mismong mga residente ng Valenzuela bilang mga Volunteer Tanod at Force multiplier na magiging katuwang ng mga otoridad sa pagpapanatili ng kaayusan.
Itinamin din nila sa isip ng mga mamamayan na laging maging aware at alerto sa kanilang kapaligiran.
Nagbibigay rin sila ng incentives sa kanilang mga mamamayan o mga otoridad hindi bilang kabayaran kundi para kilalanin ang kanilang pagsisikap na makamit ang payapang lunsod.
“To make a city safe, it goes both ways at kailangan ang partisipasyon ng bawat mamamayan. The sense of being safe hindi lamang yun sa larangan ng pulis dahil mayroon tayong mga volunteers na tinatawag naming Bantay Estudyante, mga senior citizens ito na nagbabantay ng mga bata pagpasok at paglabas ng eskuwelahan. Meron din tayong mga bantay-bayan na nasa loob ng mga subdivisions at informal settlers community natin. Ito ay mga mamamayan na na-train lang natin na nag-volunteer na maging bahagi ng effort”. – Mayor Gatchalian
================