Pagsuspinde ng DOJ sa pag-aresto ng PNP sa mga hindi sumukong convict na nakinabang sa GCTA Law, hindi ekstensyon sa 15 days ultimatum ni Pangulong Duterte – Malakanyang
Hindi maituturing na extension sa 15 days ultimatum na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga convicts na pinalaya dahil sa kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance o GCTA ang kautusan ng Department of Justice sa Philippine National Police na huwag munang ipatupad ang warrantless arrest sa mga bigong sumukong convicts.
Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles na walang extension ang ultimatum ng Pangulo para sa pagsuko ng mga convicts na nakinabang sa GCTA.
Ayon kay Nograles, ang pansamantalang pagpigil ng DOJ sa PNP sa pag-aresto sa mga hindi sumukong convicts ay nangangahulugan na nais lamang masiguro ng mga otoridad na tama ang target ng arrest operations.
Batay sa report naging magulo ang listahan na isinumite ng Bureau of Corrections sa DOJ at PNP sa mga pangalan ng mga convicts na target ng arrest operations dahil napasama ang pangalan ng mga bilanggo na napalaya sa pamamagitan ng pardon, parole o executive clemency samantalang ang sakop ng ultimatum ay mga convicts na napalaya sa pamamagitan ng GCTA.
Ulat ni Vic Somintac