Pagsusulong ng Hybrid rice production at pag-subsidize sa mga pangangailangan ng mga magsasaka, iminugkahi ng rice expert
Hinimok ng negosyante at rice expert na si Henry Lim Bon Liong ang pamahalaan na isulong ang Hybrid rice production.
Isa ito sa mga nakikitang solusyon ni Liong sa harap ng pag-aray ng mga magsasaka sa pagbagsak presyo ng palay na isinisisi sa Rice Tariffication law.
Ayon kay Liong, mas nagreresulta sa mas madaming ani ng palay ang hybrid seed kaysa inbred seeds.
Bukod dito nanawagan si Liong na dapat ding isubsidize ng gobyerno ang mga buto o seeds, pataba at maging ang mga farm equipment ng mga magsasaka para maging competitive ang produksyon ng palay at bigas sa bansa.
Ayon pa kay Liong, dapat gayahin ng Pilipinas ang mga kapitbahay na bansa nito sa Asya pagdating sa rice production.
Aminado si Liong na sa Pilipinas ay hinahayaan lang sa kanilang sarili ang mga magsasaka.
Inihalimbawa ng negosyante ang Bangladesh na sagot lahat ng pamahalaan nito ang mga pangangailangan ng mga magsasaka kahit ang fertilizer.
Iminungkahi rin ni Liong na ang bahagi ng pondo para sa conditional cash transfer program ay ibigay ng pamahalaan sa mga magsasaka para makatulong sa kanilang pagtatanim.
Paliwanag pa ni Liong kaya bagsak presyo ang palay sa bansa ay dahil sa mas madaming suplay kaysa sa demand.
Maari rin anyang gawin ng Pilipinas ang ginagawa ng Indonesia na itaas sa 100 percent ang taripa sa imported rice kapag mayroon ng surplus ng bigas.
Ulat ni Moira Encina