Pagtaas ng alert level status sa bansa,hinimok na pag-aralang mabuti
Hinimok ni Senador Christopher Bong Go ang Inter Agency Task Force at health experts na pag-aralan ang posibilidad ng pagtataas ng alert level status ng bansa dahil sa dalawang kumpirmadong kaso ng Omicron variant.
Ayon kay Go na Chairman ng Senate Committee on Health, kailangan ring maging mabilis ang pagsasagawa ng contact tracing sa lahat ng mga pasaherong nakasakay at nakasalamuha ng dalawang nagpositibo sa omicron para hindi na sila makapanghawa.
Iminungkahi rin nito na iwasan muna ang malalaking pagtitipon.
Hindi aniya dapat maging kampante ang publiko lalo ngayong marami na ang lumalabas dahil sa mababang kaso ng virus.
Umapila ang Senador sa publiko na maging alerto at sumunod sa mga itinatakdang health protocol dahil nananatiling banta ang virus.
Naniniwala naman si Senador Ping Lacson na mahalaga ang contact tracing para iwasan ang mabilis na pagkalat ng omicron variant.
Hindi na aniya kakayanin ng pamahalaan kung magpapatupad na naman ng lockdown dahil matindi na ang naging epekto sa kalusugan at ekonomiya ng COVID-19.
Meanne Corvera