Pagtaas ng alokasyon ng unprogrammed funds sa 2024 budget, kinuwestiyon sa Korte Suprema
Ipinapadeklarang labag sa Saligang Batas sa Korte Suprema ng isang grupo ang pagtaas ng alokasyon sa unprogrammed funds sa 2024 budget.
Partikular na kinuwestiyon ng grupo ni dating Congressman Teddy Casiño ang kapangyarihan ng presidente na magsertipika bilang urgent ang 2024 National budget kahit walang urgency; ang kapangyarihan ng Bicameral Conference Committee na mag-insert ng items sa budget, at ang resulta nito na Congressional increase na isinumite sa Pangulo.
Iginiit ng petitioners na alinsunod sa Art. VI at VII ng Konstitusyon ay hindi puwedeng taasan ng lehislatura ang halaga ng appropriation o budget na inirekomenda ng Pangulo.
Ayon sa petitioners, ang Unprogrammed funds sa 2024 budget ay naging P731 bilyon mula sa P281 bilyon.
Sinabi pa ng grupo na nagresulta ito sa paglobo ng National Expenditure Program na isinumite sa pangulo sa Php 449.5 billion.
Paliwanag ng grupo, ang increase sa Unprogrammed funds ay para sa pork barrel projects.
Nagresulta rin ito para lumaki ang utang at budget deficit kaya isa itong “monstrous pork barrel.”
Kaugnay nito, hiniling ng grupo na ipawalang bisa ng Supreme Court ang mga nasabing aksyon at itigil ang pag-transfer ng pondo ng GOCCs gaya ng PhilHealth sa Unprogrammed appropriations.
Moira Encina – Cruz