Pagtaas ng kaso ng covid-19 sa ibat ibang bahagi ng bansa ikinabahala ng National Task force against covid- 19
Nababahala si National Task Force Against covid 19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez sa tumataas na kaso ng covid 19 sa mindanao region at ilang bahagi ng luzon at visayas.
Iniulat ni Secretary Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte na may nangyayaring outbreak ngayon sa Sabah Malaysia kaya kailangan na proteksyunan ang lalawigan ng Tawi Tawi.
Ayon kay Galvez ,tumawag na rin sa National Task Force si Senador Miguel Zubiri para magpatulong sa tumataas na kaso ng covid 19 sa probinsiya ng Bukidnon.
Sinabi ni Galvez , tumataas na rin ang kaso ng covid 19 sa Ilagan City kaya isinailalim na ito sa Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Kinumpirma ni Galvez na may nakitang pagtaas muli ng kaso ng covid 19 sa Baguio City sa nakalipas na dalawang linggo pati na sa lalawigan ng La Union, Pangasinan, Laguna, Batangas, Leyte at Negros Occidental .
Nagpapasalamat si Galvez sa mga Local Government Units o LGUS dahil humihingi na sila ng tulong ngayon sa National Task Force kapag tumataas ang kaso ng covid 19 at hindi gaya ng dati na itinatago ang kaso.
Vic Somintac