Pagtaas ng kaso ng mga batang nabubuntis pinaiimbestigahan ng isang Senador
Pinaiimbestigahan ni Senador Sonny Angara sa Senado ang pagtaas ng kaso ng mga batang nabubuntis.
Sinabi ni Angara na Chairman ng Senate Committee on Youth na nakakabahala ang report ng maraming kabataan ang nabubuntis gayong dapat sila ay nasa eskwelahan at nag-aaral.
Batay aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority, mula 2016 hanggang sa 2020, tumaas ng 11 percent o katumbas ng 2,113 ang batang may edad na 10 hanggang 14 ang nabuntis.
Naghain na si Angara ng Senate Resolution 462 para imbestigahan ang kaso at bumalangkas ng aksyon ang gobyerno hinggil dito.
Nais malaman ng Senador kung nasunod ba at ginawa ng mga local government units ang Executive Order 141 na inilabas ng Duterte Administration kung saan nagdeklara na national priority para pababain ang kaso ng teenage pregnancy.
Nakapaloob sa kautusang ito na dapat bigyan ng priority ang pagbibigay ng comprehensive sexuality education at reproductive health and rights services sa mga kabataan.
Babala ni Angara, bukod sa social at moral issues, may seryosong epekto sa health at development ng mga teenager ang maagang pagbubuntis.
Meanne Corvera