Pagtaas ng net satisfaction rating ng Duterte Administration sa SWS Survey, ikinatuwa ng Malakanyang
Itinuturing ng Malakanyang na isang vote of public confidence at pagpapakita ng hindi natitinag na tiwala ng sambayanan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang lumabas na Social Weather Stations o SWS survey na nagsasabing 76 porsiyento ng mga Pinoy ang kuntento sa performance ng Duterte administration.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo ang resulta ng survey na isinagawa sa huling quarter ng 2018 na classified as “very good” batay na rin sa SWS ay buwelta na din sa mga kritiko at detractors ng Pangulong Duterte na nagsasabing ito ay anti- human rights at anti-poor.
Batay sa resulta ng nabanggit na survey nakakuha ng +62 percent kung pag-uusapan ay pagpoprotekta sa karapatang pantao ang administrasyon habang pumalo sa +68 percent ang nakuha nito kung pag-uusapan naman ay ang aspeto sa pagtulong sa mga mahihirap.
Sinabi ni Panelo na sampal din ang survey result sa mga bumabatikos sa Build-Build-Build Program at Marawi rehabilitation dahil nasa +70 percent ang naging grado ng administrasyon sa aspeto ng building and maintenance of public works at +60 percent naman ang nakuha nito sa reconstruction ng Marawi.
Sa harap ng patuloy na pagtitiwalang ibinibigay ng mayorya ng mga Pilipino sa Duterte Administration tiniyak ni Panelo na makakaasa ang taong bayan na hindi magpapakakampante ang pamahalaan sa natitirang tatlong taon ni Pangulong Duterte sa puwesto at lalo pang magta-trabaho para mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino.
Ulat ni Vic Somintac