Pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa mga palengke hindi dapat ayon sa grupo ng mga lokal na magbababoy
Ipinagtataka ng mga lokal na magbababoy ang pagtaas ng presyo ng kada kilo ng karneng baboy sa mga pamilihan.
Sinabi ni Pork Producers Federation of the Philippines Incorporated chairman at Agap Partylist Representative Nicanor Briones na sa kasalukuyan ay mababa ang farm gate price ng kada kilo ng karneng baboy mula sa mga local hog raisers.
Ayon kay Briones posibleng mayroong grupong nagsasamantala kaya tumataas ang presyo ng kada kilo ng karneng baboy ngayon.
Batay sa monitoring ng Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture o DA ang market price ng kada kilo ng karneng baboy sa mga palengke ay dapat naglalaro lamang sa pagitan ng 300 pesos hanggang 320 pesos.
Niliwanag ni Briones ang dapat na presyo ng karneng baboy per kilo ay nasa 280 pesos dahil ang farm gate price ay nasa 176 to 180 pesos
Hiniling din ni Briones sa gobyerno na pawalang bisa na ang Executive Order number 10 na inilabas noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,na nagbababa sa taripa ng imported na karne ng baboy mula sa dating 40 percent ay ginawang 25 percent kaya umabot na sa 110 million kilos ang nakaimbak na imported na karne ng baboy sa mga cold storage.
Vic Somintac