Pagtaas ng presyo ng mga bilihin , pinababantayan ng Malakanyang sa DTI
Pinamomonitor ng Malakanyang sa Department of Trade and Industry o DTI ang galaw ng presyo ng mga bilihin.
Ginawa ng Palasyo ang kautusan matapos pumalo sa 5.4 percent ang inflation rate sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar, pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Andanar, hindi dapat basta basta magtataas ng presyo ng mga bilihin ng walang pahintulot ang DTI.
Inihayag ni Andanar, patuloy ang pamahalaan na gumagawa ng paraan para mapagaan ang pasan ng mahihirap na mamamayan dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Iginiit ni Andanar na kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan para matulungan ang taong bayan sa pagtaas ng halaga ng mga bilihin ay ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga pampublikong sasakyan, pamamahagi ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon at pagpayag ng mga regional wage and productivity board na dagdagan ang arawang sahod ng mga ordinaryong manggagawa.
Vic Somintac