Pagtalakay sa panukalang budget ng DOH, ipinasuspinde sa susunod na taon
Ipinasuspinde ni Senador Christopher “Bong” Go, ang pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Health (DOH) sa susunod na taon.
Dahil ito sa kabiguan ng DOH na sundin ang mga commitment nito lalo na ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, na palawigin ang medical benefits at magbigay ng accesible healthcare services.
Nais ni Go na gumawa muna ng Commitment Letter ang DOH at ang PhilHelath na pirmado ng mga opisyal nito, na nangangakong bibigyan ng prayoridad sa pagbibigay ng serbisyong medikal ang mga mahihirap at indigent patients.
Sinisingil ni Go ang PhilHealth sa mga pangako nito sa mga senador na palalawakin ang access para sa pagpapagamot ng mga pasyente, pagbibigay ng libreng gamot at medical assistive devices gaya ng wheelchair, libreng dental check-up at optometric services, at aalisin ang oudated policy para sa 24-hour requirements ng mga nako-confine.
May pangako rin aniya si PhilHealth President Emmanuel Ledesma, na ibaba ang monthly contribution ng mga miyembro ng PhilHealth na hanggang ngayon ay wala pang desisyon.
Iginiit ni Go, na bilyun-bilyong piso ang pondo ng PhilHealth mula sa kontribusyon at subsidiya mula sa gobyerno, pero bakit naniningil pa ng mataas na premium.
Tanong ni Go sa PhilHealth, “Marami pang benefit package na puwede ninyong i-expand, ang dami pong case rate na puwede nyo i-review para gamitin ang pondo ng PhilHealth. Kasi naman mag-a-aprub ng budget, nadiskubre namin na humihingi kayo ng 74-billion subsidy for 2025, andiyan pa reserve fund na 500-billion. Unfair naman yun sa mga ordinaryong mamamayang Pilipino na hindi makalabas ng ospital dahil sa kahirapan.”
Meanne Corvera