Pagtalakay sa pondo ng COMELEC para sa 2022, isinantabi ng Senado
Ipinagpaliban ng Senado ang pagpapatibay sa panukalang budget ng Commission on Elections na aabot sa 26.728 billion pesos.
Sa Budget hearing kanina, naghain ng mosyon si Senate Minority leader Franklin Drilon na isantabi muna ang budget ng komisyon dahil sa pagmamatigas nito.
Sabi ni Drilon hindi dapat dinggin ang pondo ng komisyon hangga’t wala silang desisyon sa hiling ng dalawang kapulungan ng Kongreso na palawigin ng isang buwan ang voter registration.
May nakapedning na panukala sa Senado at Kamara para sa isang buwang extension ng voter registration.
Kuwestiyon ni Drilon, bakit tila ginigipit ng komisyon ang karapatan ng 12 milyong botante na makaboto sa eleksyon sa Mayo.
Nakastigo rin ni Senador Francis Pangilinan ang mga opisyal ng Comelec dahil sa kabila ng kanilang apila na palawigin hanggang October 31 ang araw ng pagpaparehistro ay hindi ito maggawa.
Dismayado rin si Senador Risa Hontiveros, chairman ng sub-committee na duminig sa pondo ng Comelec.
Kuwestiyon ng Senador sa nakaraang dalawang eleksyon, hanggang Oktubre ang pagpaparehistro.
Bakit aniya binago ito ng Comelec samantalang maraming pagkakataon na nasuspinde ang pagpaparehistro dahil sa mga quarantine restriction.
Humingi naman ng paumanhin ang Comelec sa mga Senador at sinabing ang maiaalok umano nila ay isang linggong extension lamang.
Ayon kay Comelec Chair Sheriff Abas, kulang aniya kasi ang kanilang panahon para maghanda at ayaw naman nilang maikompromiso ang resulta ng halalan.
Meanne Corvera