Pagtanggap ng Afghan refugees sa bansa, tatalakayin sa Senado
Tatalakayin ngayong Biyernes, June 16, ng Senate Committee on Foreign Relations ang mungkahing pansamantalang tanggapin ng Pilipinas ang mga refugees na mula sa Afghanistan.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez, may kahilingan ang US government noong Oktubre ukol sa mga Afghan refugees.
Sa ilalim ng proposal, ipo-proseso sa isang pasilidad sa Pilipinas ang special immigration visas na ibibigay sa mga Afghans na nagtrabaho para sa US government at naiwan sa bansa matapos mag-take over ang Taliban sa pamahalaan.
Tatalakayin sa pagdinig ng Senate Foreign Relations Committee ang panukalang temporary housing sa bansa ng Afghan applicants.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, kinumpirma ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro ang pagdalo ng mga opisyal ng pamahalaan sa nasabing pagdinig.
Gayunman, nagkasundo aniya ang Department of National Defense (DND) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na DFA ang designated spokesperson sa isyu.
Ito aniya ang itinatag na protocol upang maiwasan ang magkakataliwas na mensahe mula sa mga ahensya ng administrasyon.
“Hayaan natin ang DFA, yan ang itinatatag natin na protocol ngayon, isa lang ang tagapagsalita sa importanteng issue upang sa ganun ay hindi magka-cross messaging, napaka-importante po na iisa ang mensahe ng pamahalaan hinggil sa isang issue,” paliwanag pa ni Teodoro.
Sinabi ni Teodoro na hindi na bagong bagay sa Pilipinas ang pagtanggap ng mga refugees.
Inihalimbawa niya ang mga Vietnamese refugees noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan tatlong taon nanatili sa barko ang mga refugees at walang tumanggap sa kanilang ibang bansa maliban sa Pilipinas.
Binanggiit din niya ang naging hakbang noon ni dating Pangulong Manuel Quezon na tanggapin sa PIlipinas ang mga dayuhang potensyal na biktima ng Holocaust.
Pero pagtiyak ni Teodoro, sa panahong ito ay kailangan ding tayahin ang kakayahan ng bansa para sa pagtulong on humanitarian purpose
“Hindi na po iba sa atin na tumanggap ng nangangailangan, lamang sisiguraduhin lang po natin na tayo ay may kakayahan na tanggapin po sila ng maayos.”
“Ito pong maririnig nyo sa Senate hearing mamaya, kakaiba po itong arrangements na ito sa pagtanggap for humanitarian purposes, ngunit ang principle po ng pagbubukas n gating bansa sa mga nangangailangan ay nandyan dahil iyan po ay ugali nating mga Filipino,” dagdag pa ni DND chief.
Tiniyak naman ni Teodoro na kasama rin sa pinaghahandaan ng pamahalaan ay ang resettlement hindi lang ng mga dayuhan kundi maging ng mga kababayan na nasa mga mapanganib na lugar.
Weng dela Fuente