Pagtapyas sa pondo ng AFP Modernization Program para sa 2025, nausisa sa Senado
Lumusot na sa komite ng Senado ang panukalang 2025 budget ng Department of National Defense na mahigit P254.11 bilyon.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na mula sa kanilang orihinal na panukalang pondo na P305.39 billion, ay mahigit P254 billion lang ang inaprubahan sa 2025 National Expenditure Program.
Ayon pa kay Teodoro, iminungkahi nila sa kanilang proposed budget para sa 2025 na ilaan ang nasa P245 billion para sa implementasyon ng revised AFP Modernization Program.
Pero tanging P75 billion lang ang pinagtibay sa 2025 NEP.
Mula rin aniya sa P75 billion ay P50 billion ang nasa aligned o programmed items habang ang P25 billion ay inilaan sa unprogrammed funds.
Aminado si Teodoro na makaaantala ito sa pagbili ng mga kinakailangang equipment at vessel para mamodernisa ang depensa ng bansa.
Ani Teodoro, “The biggest items that will be affected are additional domain awareness like radars. Those that were excluded in the unprogrammed are the MRF aircraft and part of that is seeking adequate financing from suppliers of integrated anti-ship missile system combat engineering equipment.”
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Senador JV Ejercito sa pagtapyas sa pondo ng AFP modernization at paglalagay nito sa unprogrammed funds.
Senador JV Ejercito / Photo: Senate of the Philippines
Sinabi ni Ejercito na dapat bigyan ng prayoridad ang AFP modernization sa harap na rin ng mga pangyayari sa West Philippine Sea.
Ayon kay Ejercito, “I would support that the priority program should be on aligned items especially as what the Secretary has mentioned, these are really essentials especially in our situation right now. Naghahabol tayo, babawasan pa. We cannot afford a delay in our modernization program because late na late tayo tapos malalagay pa sa unprogrammed funds.”
Nagtataka rin si Senador Bato Dela Rosa kung bakit inilagay ang P25 billion ng modernization program sa unprogrammed items.
Senador Ronald “Bato” dela Rosa / Photo: Senate of the Philippines
Sabi ni Dela Rosa, “Para tayong naglolokohan kapag sinabi mong priority programs ito tapos ilagay natin sa unprogrammed para tayong naglolokohan kapag ganun.”
Tiniyak naman nina Ejercito at Dela Rosa na ipaglalaban nila sa plenaryo ang pondo para sa AFP modernization, para makahabol at hindi mapag-iwanan ang Pilipinas ng ibang mga bansa pagdating sa kanilang militar at depensa.
Ayon pa kay Teodoro, “Lahat ng bansa naghahabol kasi every year it’s a race, so tayo doble habol pa ang kailangan po.”
Moira Encina-Cruz