Pagtatag ng eCourt System isa sa mga plano ng SC para mapabilis ang resolusyon ng mga kaso
Target ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang pagtatag ng eCourt system upang mapabilis ang mga resolusyon ng mga kaso.
Sa oathtaking ng mga bagong opisyal ng Philippine Bar Association (PBA), muling inihayag ni Gesmundo ang kanyang plano na maging technology-driven ang hudikatura.
Isa na aniya rito ang pag-setup ng eCourt system para mapagbuti ang court workflow processes at ang online access sa mga reports.
Ayon kay Gesmundo, magiging sakop ng eCourt system mula sa paghahain ng reklamo o online filing hanggang sa promulgation at execution ng mga hatol.
Una nang sinabi ni Gesmundo na sa pamamagitan ng eCourt system ay magkakaroon ng unified, komprehensibo, at intelligent case management system ang buong hudikatura.
Bukod sa eFiling, kasama sa eCourt system ang online payment, online raffling ng mga kaso o eRaffle, at ang maintenance ng digitalized rollo o records ng mga kaso.
Tiwala si Gesmundo na sa pamamagitan nito ay mapapabilis ang resolusyon ng mga kaso sa mga hukuman.
Moira Encina