Pagtatalaga ng PNP Medical Reserve Force sa mga Vaccination site, nagpapatuloy
Inatasan na ni Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar ang mga Chief of Police at Provincial Director na ituloy ang pagtatalaga ng mga pulis para umasiste at magbigay seguridad sa mga vaccination sites.
Nauna nang nagtalaga ng PNP Medical Reserve Force sa iba’t-ibang lugar sa Quezon City upang tumulong sa seguridad at kaayusan sa mga babakunahan.
Ito ay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at mahabang pila at matiyak na nasusunod ang mga health protocol.
Ilan sa miyembro ng PNP-MRF ay itinalaga sa San Francisco High School, Project 6 Elementary School, at Masambong Elementary School na ginagamit bilang vaccination centers para sa mga residente.
Mayroon ding mga itinalaga sa mga Quarantine facilties sa Ultra Stadium sa Pasig City at PICC Quarantine center sa Pasay City.
PNP Chief Eleazar:
“Gusto nating iwasan na maging super spreader events ang pagaantay natin na tayo’y mabakunahan. Imbes na proteksyon eh baka virus pa ang makuha natin. Kaya minabuti po naming mag-deploy ng aming Medical Reserve Force para makatulong sa mga nangangasiwa sa ating vaccination sites”.
Tiniyak naman ni Eleazar na nabibigyan din ng proteksyon ang mga tumutulong na pulis, kumpleto sa personal protective equipment at bitamina upang manatiling Covid-free.
Bago rin aniya italaga ang mga miyembro ng PNP-MRF ay binibigyan sila ng refresher course para sa pangangasiwa ng pagbabakuna.
Magpapatuloy din aniya sila sa pagsuri sa sitwasyon at pakikipag-ugnayan sa mga Lokal na Pamahalaan at Department of Health kung saan pa ang mga vaccination center na nangangailangan ng kanilang tulong.