Pagtatalaga ni PRRD kay NCRPO Chief Sinas bilang bagong PNP Chief, ipinagtanggol ng Malacañang
Hindi dapat kuwestiyunin ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay National Capital Regional Police Office o NCRPO Director Major General Debold Sinas bilang bagong Philippine National Police Chief kapalit ni General Camilo Cascolan na sumapit na sa mandatory retirement age na 56.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque prerogative ng Pangulo bilang Commander in Chief kung sino ang pagtitiwalaan niya na mamuno sa Pambansang Pulisya.
Ayon kay Roque isa sa pinagbatayan ng Pangulo sa pagpili kay Sinas bilang bagong PNP Chief ang pagiging agresibo nito sa kampanya laban sa iligal na droga.
Si Sinas ay naging kontrobersiyal dahil sa mañanita birthday party nito dahil sa kasagsagan noon ng pagpapatupad ng Enhance Community Quarantine o ECQ dahil sa Pandemya ng COVID 19 subalit ipinagtanggol siya ni Pangulong Duterte.
Kasama ni Sinas na contender sa pagiging PNP Chief ang kanyang mga kaklase sa Philippine Military Academy o PMA Class 87 na sina Lt. General Guillermo Eleazar -PNP Deputy Chief for Administration, Lt. General Cesar Benag-PNP Deputy Chief for Operation at si Lt. General Jovito Vera Cruz-PNP Chief Directorial Staff.
Vic Somintac