Pagtatalaga ni Pangulong Duterte ng Mega Task Force laban sa kurapsyon sa buong pamahalaan na pamumunuan ng DOJ, ipinagtanggol ng malacañang
Seryoso talaga si Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang katiwalian sa pamahalaan sa nalalabing panahon ng kanyang administrasyon kaya itinalaga niya si Justice Secretary Menardo Guevarra na pamunuan ang mega task force against corruption.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang pagbaka sa korapsyon sa gobyerno ay kasama sa plataporma ng Duterte administration nang tumakbo sa halalang pampanguluhan noong 2016 si Pangulong Duterte.
Ayon kay Roque, ang pagbuo ng mega task force na kasasangkutan ng multi agencies laban sa kurapyon ay hindi nangangahulugan na walang tiwala ang Pangulo sa Office of the Ombudsman at sa Presidential Anti Corruption Commission.
Inihayag ni Roque, gusto ng Pangulo na mapalakas ang kampanya laban sa kurapsyon sa pamahalaan kaya gagamitin ang mga abogado ng Department of Justice o DOJ na higit na marami kumpara sa bilang ng mga abogado ng Office of the Ombudsman para mapabilis ang pagbuo ng mga kaso laban sa mga mapapatunayang opisyal ng gobyerno na nasasangkot sa katiwalian.
Niliwanag ni Roque anumang kaso na mabubuo ng mega task force against corruption ng DOJ ay dadaan parin sa Ombudsman para pormal na maisampa ang kaso sa Sandiganbayan na tumatayong anti-graft court ng bansa.
Vic Somintac