Pagtawid sa Rafah border ng mga Pinoy sa Gaza, posible muling hindi matuloy – DFA
Maaaring hindi muli matuloy ngayong Lunes ang pagtawid sa Rafah Border ng unang batch ng mga Pilipino mula sa Gaza.
Sa mensahe sa NET25, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na ang inisyal na petsa ng pag-alis sa Gaza ng unang batch ng 20 Pinoy ay noong Linggo pero ito ay iniurong ngayong Lunes.
Ayon kay De Vega, hinihintay pa nila ang pinal na abiso kung matutuloy ngayong araw ang paglikas ng mga Pinoy sa Gaza.
Aniya, hindi nila sigurado kung magkakaroon ng crossing sa Rafah Border ngayong Lunes.
Inamin din ng opisyal na maaaring maiurong muli ang pagtawid ng mga Pilipino sa Martes dahil posibleng tatlong araw na magkakasunod itong suspendido.
Una aniyang sinuspinde ang evacuation sa loob ng dalawang araw noong Sabado at Linggo kaya maaaring dalawang araw din itong maiurong.
Na-delay ang paglikas sa Gaza ng foreign nationals tulad ng mga Pinoy dahil sa mga pagsabog malapit sa Rafah Crossing Point papuntang Egypt.
Moira Encina